Kamakailan lamang ay nabalitang nadiagnose na may dementia ang sikat na aktor na si Bruce Willis. Si Bruce Willis ay sumikat noong 1980s sa isang comedy drama TV series na pinamagatang “Moonlighting”. Matapos nito, lumabas ang aktor sa higit 100 na pelikula sa loob ng apat na dekada at sa mga pelikulang ito umani ng napakadaming parangal ang aktor, lalong lalo na sa kanyang mga ginampanang papel sa pelikulang “Pulp Fiction”, “The Sixth Sense” at “Die Hard”.
Isa lamang si Bruce Willis sa mga taong naapektuhan ng sakit na Dementia. Ang Dementia ay hindi isang partikular na sakit ngunit ito ay isang pangkalahatang termino para sa kapansanan sa kakayahang matandaan, mag-isip, o gumawa ng mga desisyon na nakakasagabal sa paggawa ng mga pang-araw-araw na gawain. Ang Alzheimer’s disease ay ang pinakakaraniwang uri ng Dementia. Bagama’t kadalasang nakakaapekto ang dementia sa mga matatanda, hindi ito bahagi ng normal na pagtanda.
At dahil buwan ng pag-ibig ngayong Pebrero, talakayin natin kung paano ba natin aalagaan ang ating mga mahal sa buhay na mayroong dementia.
Kung ikaw ay nag-aalaga ng isang taong may dementia, ang iyong tungkulin sa pamamahala ng mga pang-araw-araw na gawain ay tataas habang ang sakit ay lumalala. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga tips na pupuwedeng gawin:
Bawasan ang pakiramdam ng pagkabigo
Ang ating mga mahal sa buhay na may dementia ay maaaring makaranas ng matinding pagkabigo sa kanilang hirap sa paggawa ng mga simpleng gawain sa araw-araw. Upang mabawasan ito, dapat tayong gumawa ng kagawian sa araw-araw at ipaintindi sa ating mahal sa buhay na hindi nila kailangang magmadali. Bigyan natin sila ng kalayaang pumili at magdesisyon pa din sa kanilang sarili ngunit patuloy natin silang gagabayan. Wag din natin kakalimutan na isama ang mga mahal natin sa buhay sa mga makabuluhang usapan, at limitahan ang mga bagay na makakaabala sa kanila. Kapag ginawa natin ito, matutulungan natin silang makapokus.
Maging marunong makibagay
Sa paglipas ng panahon, ang isang taong may demensia ay mas aasa sa atin upang matulungan sila. Para mabawasan ang kanilang pagkabigo, manatiling flexible at ibagay ang iyong routine at mga inaasahan kung kinakailangan.
Halimbawa, kung gusto niyang magsuot ng parehong damit araw-araw, isaalang-alang ang pagbili ng ilang magkakatulad na damit. Kung ang pagligo ay natutugunan ng pagtutol, isaalang-alang ang paggawa nito nang mas madalas.
Lumikha ng isang ligtas na kapaligiran
Ang dementia ay umaapekto sa kakayahang magdesisyon ng isang tao pati nadin ang kanyang kakayahan upang lumutas ng problema. Dahil dito, mas nagiging mahina sila at madalas maaksidente. Dapat nating siguraduhin na ligtas ang kapaligiran ng ating mga mahal sa buhay na may dementia. Ilan lamang sa pwede nating gawin ay siguraduhin na ang lugar o bahay ay ligtas mula sa mga aksidenteng pagkahulog; lagyan ng mga kandado ang mga lugar na may mga nakakapinsalang kemikal o mga gamit; siguraduhing kaaya-aya ang temperatura ng kwarto ng ating mahal sa buhay at maglagay ng smoke detector kung sakaling magkaroon ng sunog at iba pang aksidente.
Tumutok sa indibidwal na pangangalaga
Ang bawat taong may Alzheimer’s disease o dementia ay makakaranas ng mga sintomas at pag-unlad o paglala nito. Ang pasensya at kakayahang umangkop — kasama ang pag-aalaga sa sarili at ang suporta ng mga kaibigan at pamilya — ay makakatulong sa iyo na harapin ang mga hamon at pagkabigo sa hinaharap.
At dahil buwan ng pagmamahalan ang Pebrero, nais naming ipaalala sa lahat nang may pinagdaraanang pagsubok katulad ng dementia sa pamilya na hindi ito madali ngunit lahat ng pagsubok na sasamahan ng pasensya at pagmamahal ay malalagpasan. Huwag susuko.