Ang pagkain ng mag-isa marahil ay hindi para sa lahat. Kamakailan, ang social media ay humimok ng iba’t ibang opinyon ayon sa paksang, sa palagay ko, at siguro sa palagay rin ng nakararaming Pilipino ay hindi ganoon kahalaga upang maging usapin (dati), ngunit sa isang iglap ang marahil isang “choice” lamang ng taong naging biktima ay naging malawak na isyung sumasalamin sa ating kultura.
Kalungkutan. Nakakaawa. Ganyan ang tingin ng iba. Walang pag aalinlangang na-judge ang isang taong kumakain mag-isa. Walang isip kung sa kabilang banda ang eksenang ito ay higit na nagbigay sa taong iyon ng katahimikan, kapayapaan at isang “moment” ika nga ng kaligayahan. Napakadali sa ating mga Pilipino ang bumuo ng mga konklusyon. Gumawa ng mga kwento, na kung minsan ay sadyang wala namang sapat na basehan. Sabagay, tayong mga Pinoy ay pinalaki sa pagbibigay halaga sa ibang tao higit sa ating sarili. The most hospitable people on the planet, ika nga. Kasama na dito ang napakalaking bahagi ng ating kultura na maging dikit sa pamilya, sa ating mga kaibigan, sa ating mga kasama sa opisina. Sa puntong ito, atin na ring banggitin ang popular na kasabihang no man is an island. Kaya naman kung mag-isa kang kumakain, tiyak may isyu ka.
Nasaan sa mga ideyang ito ang sarili o self? Hindi naman bagong konsepto ang self-love. Siguro nga ay di lang ito tatak Pinoy na ating nakasanayan. Hindi ba natin maituturing na pagmamahal sa sarili ang pagkain ng mag-isa? Paano kung sarili ko lang ang gusto kong pakainin ng masarap? Pakainin ng mahal? Paano kung nag-ipon ako para sa buffet?
Kung babalikan ko ang mga panahong nasubukan kong kumain mag-isa, na sa totoo ay hindi ko na rin mabilang sa aking mga daliri, hindi naman dahil ito ay madalas, kung hindi dahil para sa akin ito ay bahagi lamang ng normal na takbo ng buhay. Wala naman ako talagang maiuugnay na malungkot na nangyari, kahit sa mga pagkakataong kinailangan kong kumain ng mabilis sa cafeteria ng ospital dahil ako ang bantay, o kaya ay kumain saglit upang bumalik sa burol, o di kaya ay kumain makalipas ang libing ng isang kamag-anak. Malulungkot na tagpo ng buhay ngunit ang mismong pagkain ay di ko naman kinakitaan ng kalungkutan. Naisip ko tuloy, kung namumugto ba ang mata habang sumusubo ng chicken nuggets ay nagbibigay sa iba ng similar na pag-iisip – “kawawa naman yung babae, walang kasama, kumakain mag-isa….” Wala sa hinagap nila na ang mismong sandaling iyon ay nagbigay sa akin ng malaking ginhawa – “sa wakas tapos na ang paghihirap…” “sa wakas nakakain din ako, kanina pa ako nagugutom.” Mga ideyang siguro nga ay hindi pumasok sa isip ng mga nakakakita. Dahil gaya ko at gaya ng iba, tayong mga Pinoy ay mahilig humatol base lamang sa panlabas nating nakikita.
Ang pagkain ay marapat lang na pumukaw ng positibo at masayang karanasan. Gaya ng maraming nagbigay ng unsolicited opinion, ako rin ay umaasang sa susunod na may makita tayong kumakain mag-isa, maging masaya tayo para sa kanila, dahil bukod sa may pambili sila ng pagkain, ay nakapaglaan sila ng oras para sa kanilang mga sarili. Baguhin natin ang ating pananaw at maging maligaya para sa iba. Gawin nating normal – let us normalize eating alone. Mahirap ba yun? Kain tayo.