Ang layuning mapalaganap ang kaalaman ayon sa tunay na kapayapaan ay higit nang naging madali sa tulong ng teknolohiya. Sa paggamit ng iba’t ibang uri ng tradisyunal at mas makabagong plataporma ang mga tagapagtaguyod ng kapayapaan sa ating bansa ay nakakita ng marami pang paraan ng pagbabahagi ng impormasyon at kamalayan. Ang social media ay naging bahagi na ng normal na buhay ng bawat isa sa atin. Ito ay nagbigay sa atin ng madali at mainam na daan upang makakuha ng kaalaman sa napakaraming mga bagay sa halos lahat ng aspeto ng pamumuhay. Ngunit gaya ng mga panukala ng nakararami, kinakailangan nating maging mapagmasid, at maging mapanuri sa pag “filter” ng kaalaman na ating makukuha rito.
Ang social media ay maituturing na “double-edged sword” dahil na rin sa mabuti at di mabuting dulot sa paggamit nito. Sa isang banda ang social media ay maaaring magsilbing inspirasyon sa pagtuklas ng kapayapaan bilang praktikal at posible sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga makatotohanang proyekto at gawain paukol dito, o mga tinaguriang “organized peaceful protests.” Sa kabilang banda naman ay maari ring gamitin ang social media sa pagpapalaganap ng mga radikal na ideolohiya at karahasan bunga ng mga kampanya tungo sa “disinformation.”
Marami na rin ang naisulat ukol sa paksang ito, at di maipagkakaila n malaki ang potensyal ng social media upang mapalaganap ng mas mabuting bagay na tutugon at tutulong sa mga inisyatibo tungo sa kapayapaan. Ang ilan sa mga posibleng paraan ay ang mga sumusunod sa pagtaguyod ng isang kampanya sa social media:
- Paggamit ng “hashtag” upang mas malawak ang maabot ng isang kampanya para sa kapayapaan
- Pagbabahagi ng mga “true-to-life” na anekdota upang mahimuk ang mga mamamayan sa pag-angat ng antas ng indibidwal na pagpapahalaga sa kapayapaan bilang isang konsepto at bilang bahagi ng mga karanasan ng normal na Pilipino, sa maliliit na simpleng paraan.
- Pagpapalaganap sa pamamagitan ng mga litrato na maaaring “i-share” sa social media gamit pa rin ang partikular na “hashtag”
- Paghikayat sa network at mga tagasunod na kumilos at gumawa ng mga aksyon ukol sa kampanya ng kapayapaan
- Himukin ang mga kakilala, kaibigan, kasamahan sa trabaho upang makilahok sa pamamagitan ng mga aktibidad gaya ng paggawa ng mga “digital art”, paggamit ng pagka malikhaing sining gaya ng pagsulat, pagguhit, pagpinta, at iba pa. Di lamang ito susuporta sa adbokasiya, ito rin ay makakapagbigay ng pagkakataon mailabas ang talento ng bawat isa.
Ilan lamang ito sa mga makabagong paraan na maari nating subukin upang mapalawig ang social media upang maging makabuluhang instrumento ng kapayapaan sa Pilipinas.
https://www.sipri.org/commentary/topical-backgrounder/2021/social-media-tool-peace-or-conflict