Ang Institute for Economics and Peace ay gumagamit ng dalawang kahulugan ng kapayapaan – ang Negatibong Kapayapaan at Positibong Kapayapaan. Kung saan ang nauna ay tumutukoy sa kawalan ng karahasan o di kaya ay kawalan ng takot sa dahas, habang ang pangalawa naman ay nagsasalamin sa mga adhikain, institusyon at istruktura na ang layunin ay lumikha ng mga inisyatiba tungo sa pagpapanatili ng kapayapaan. Sa madaling salita, ang Negatibong Kapayapaan ay sumusukat sa panlabas na katangian lamang ng isang bansa o pamayanan, habang ang Positibong Kapayapaan ay higit na makahulugan sapagkat ito ay nagsisilbing larawan ng kapasidad ng isang bansa upang pagtibayin at palaganapin ang kapayapaan.
Ang kasalukuyang administrasyon ay naglalayong gawing kaakibat ng kaunlaran ang kapayapaan at seguridad ayon na rin sa itinakdang National Development Plan na inilatag kamakailan ng NEDA. Iminungkahi ng pamahalaan na itaguyod ang mga nasimulan na at higit pan pagpupunyagi upang makamit ang tunay na kapayapaan at seguridad sa bayan.
Gaano na nga ba kalayo ang narating ng Pilipinas sa direksyong ito? Sa pinakabagong Positive Peace Index, ang ating bansa ay nagtala ng iskor na 106 na isang indikasyon na tayo ay nabibilang sa mga bansang may Positive Peace surplus, o mga bansang may kapasidad na pagpunyagian ang kapayapaan sa mga susunod pang taon.
Sa 2020 Global Peace Index (GPI), ang Pilipinas ay pumwesto na ika 129, mula sa 163 na bansa. Ang naitalang mababang iskor ay dulot ng mga kasalukuyang isyu sa mga internal na sagupaan, pagkakamit ng armas, at persepsyon sa kriminalidad sa lipunan.
Sa kasaysayan, ang Pilipinas ay madalas na nasa ibabang bahagi ng Global Terrorism Index (GTI), at noong 2020 ito ay naitala sa ikasampung ranggo sa buong mundo, at pinakamababa sa mga bansa sa rehiyon ng Asya Pasipiko.
Bagamat ang mga datos ay nananatiling mababa, ang nasabing antas ay maituturing ng humusay kumpara sa taong 2019 kung saan ang bansa ay pumwesto sa 134 sa GPI at ika-siyam sa GTI. Makikita rito na nagbunga kahit papaano ang mga inisyatibo upang puksain ang “political terror”, krimen at internal na sagupaan.
Higit na kinakailangan ng ating bayan ang tulong ng bawat mamamayan upang patuloy na labanan ang mga banta sa kapayapaan at seguridad. Sa pangunguna ng bagong administrasyon ay umaasa ang bawat isang Pilipino na maging makahulugan pa ang mga proyekto ukol dito tungo sa pag-unlad ng ating bayan.
https://www.visionofhumanity.org/positive-peace-surplus-in-the-philippines/