Ang mga Muslim sa Pilipinas ay karaniwang matatagpuan sa Mindanao. Sa paglipas ng panahon ang mga Muslim ay paunti unting lumilipat sa ibang bahagi ng Pilipinas dahil sa ibat ibang rason, upang mag negosyo, mag aral at mag trabaho. Hindi maipagkakaila na ang Muslim at hindi Muslim ay nakakapagsalamuha at minsan naman ay nakapagpapalagayan ng loob. Kakuwentuhan sa trabaho at eskuwelahan, ka chat sa social media at ka bonding sa mga lakad. At hindi nila namamalayan na unti unting nahuhulog na ang loob sa isat isa.
Pwede nga ba ito sa Islam? Anong dapat gagawin sa sitwasyon na to?
Upang maunawaan natin ito ay dapat natin makita ang kaibahan ng tinatawag nating “Hindi Muslim”. Ang tinatawag na “Hindi Muslim” ay nasa iba’t ibang uri: Sila ay ang mga Mushrikat (sumasamba sa mga rebulto), Mulhida (Atheists), Murtaddah (Tumiwalag sa Islam) at Kitabiyyah (Kristyano at Hudyo).
“at huwag ninyo pakasalan ang mga babaeng Mushrik hangga’t sa sila’y hindi maniniwala. Katotohanan ang alipin na babaeng Muslim ay Mabuti kaysa sa babaeng Mushrik kahit ano pa man ang pagmamahal ninyo para doon. Qur-an 2:221
Sa mga nabanggit na ito at ang Kitabiyyah lamang ang ipinapahintulot ng Islam sa isang Lalaking Muslim na pangasawahin.
“Nahalal na sa inyo ang mga milinis, at ang kinakain ng mga tao na pinadalhan ng kasulatan ay halal sa inyo, at ang inyong kinakain ay halal sa kanila at ang mga matitinong babae na nanampalataya at ang matitinong babae na kabilang sa Ahlul Kitab (Kristyano o Hudyo) ay halal sa inyo. Qur-an 5:4
Sa anong pamamaraan?
Ang pakikipagrelasyon, pag iibigan, pagmamahalan na walang seremonya ng kasal ay pinagbabawal. Kahit sila ay hindi Muslim, mariing ipipag uutos ng Islam ang pagrespeto sa dangal ng mga kababaihan. Kaya’t kung nais ng isang Muslim na lalaki na magkaroon ng iniirog ay marapat lamang na hingin niya ang kanyang mga kamay sa magulang ng babae.
Sa makabagong panahon ngayon, kung nais nilang magkakilala ng husto ay gawin nila ito ng my namamagitan. Kung nais nilang mag date o kumain sa labas ay dapat my kasama silang isa o higit pa. Ito ay upang hindi humantong sa malalim na usapan ang dalawa. Dahil sinabi ni Propeta Mohammad sumakanya ang kapayapaan ay ang ikatlo sa lalaki at babae kapag sila ay magkasama ay si Shaytan (Demon).
Kung nais din nilang ipagpatuloy ang kanilang pag uusap sa social media ay gumawa sila ng group chat na hindi lamang silang dalawa ang kasali.
Sadyang mahigpit ang Islam sa ganitong usapin, dahil gusto lamang ng Islam na pangalagaan ang dangal ng mga kakabaihan.