Tama ba na ipagsigawan ng ibang Muslim na ang Buwan ng Ramadan ay napakainam na panahon para sa Jihad? Kahit na ang katotohanan ay isa ito sa mga banal na buwan na ipinagbabawal ang digmaan?
Una, hindi ibig sabihin na kapag bukas ang Paraiso, diretso kana dito kapag ikaw ay namatay sa pamamagitan ng pakikipaglaban. Ang araw ng paghuhukom ang atin pa ding basehan kung sa Paraiso o sa Impyerno tayo mapupunta. Si Allah swt ang huhusga sa ating uri ng pananampalataya at ang ating bukal sa loob na mabubuting gawain.
Pangalawa, ang jihad ay isang banal na gawain upang protektahan ang sarili mula sa kasamaan, pagtatambal, mga gawaing labag sa kawang-gawa at pagiging makatao, atbp; at pagprotekta sa mga mahal sa buhay at ari-arian. Kung saan ito ay may iba’t ibang antas ayon sa sitwasyong kinabibilangan ng isang tagapagtanggol. Ito ay hindi pang-aapi at hindi pamiminsala at mas lalong hindi paghahasik ng lagim. Bagkus, ito ay masusing pamamaraan hindi lamang sa paghawak ng armas kundi ito ay “last choice” lamang kung kinakailangan. “Muslim stands in theor (shuraut) conditions,” hindi nila ito binubuwag o tinatalikuran hanggang sa mamatay sila rito.
Pangatlo, balikan po natin ang kasaysayan kung paano ba pinagtanggol ng mga Muslim ang Pilipinas mula sa mga mananakop, kung saan ang mga Muslim pa ang lumalabas bilang mga pirata; mga paratang na ibinabato upang mapagtakpan ang bahong kinikimkim nila sa mata ng masa, maging masama ang mabuti at maging mabuti ang masama. Ito ay upang madali nilang malinlang ang mga tao. Sa pamamagitan ng kasaysayan, malalaman at maiintindihan natin ang pagdaloy ng panahon at hinaharap nito.
Panghuli, sumama po sila sa mga tunay na Muslim, yoong may kaalaman sa Islam, mga practicing Muslims, at huwag nilang bigyan ng depenisyon ang Islam sa kung ano ang nakikita nila sa mga tao. Ito ay sa kadahilanang hindi ito pagiging makatarungan. Ang tao ay likas na nagkakamali, samantalang ang Islam ay relihiyong ibinaba, iniutos ng Tagapaglikha.
Tandaan natin na ang Buwan ng Ramadan ay nandito upang palakasin pa ang ating pananampaltaya at tiwala kay Allah swt. Nawa’y lahat ng lumabas saating mga bibig ay pawang katotohan lamang. Ilayo sana tayo ni Allah swt sa kasinungalingan at masasamang gawain.