May positibong impluwensya ang pag-aalaga ng mga hayop sa kalusugan ng tao. Ang mga aso at pusa na pinaka paboritong gawing domestic pets, o yung mga alaga sa bahay ay nagbibigay ng emosyonal na suporta sa mga nag-aalaga. At ito ay hindi lamang opinyong ng mga pet owners kagaya ko, ngunit napatunayan na rin base sa agham at pagsisiyasat. May mga makabuluhang findings na kahit ang mga nakararanas ng post-traumatic disorder ay nabibigyang lunas ng pag-aalaga ng aso. Ang ating mga pets daw ay may intuitive gift. Malakas ang kanilang pakiramdam kung ikaw ay may pinagdadaanan, at sila ay nagbibigay comfort sa paraang alam nila – andyang maging madikit sila sa iyo, maging malambing, sumunod kahit saan ka pumunta sa loob ng iyong tahanan, o di kaya ay titigan ka lang na parang nangungusap at nagsasabing handa syang makinig sa iyong mga hinaing…parang isang matalik na kaibigan, sila ay handang makinig. At sila ay makikinig ng walang judgement. Yun siguro ang pinaka malaking pagkakaiba nila sa mga tao.
Sa pandemyang ating dinaanan, dala ng Covid-19, marami sa atin, higit kailanman ang napagtanto ang ginhawa sa pagkakaroon ng alagang hayop. Mental Health ang isa sa pinaka tinamaan bukod sa pisikal na kalusugan ng karamihan sa ating mga Pilipino, at ito rin ang nangyari sa global na komunidad. Mahirap ang makulong sa ating mga tahanan ng ilang buwan, ang maranasan ang takot sa araw araw para sa ating mga sarili at ating mga pamilya. Buti na lang at ang mga hayop ay hindi nakakuha ng virus na ito.
Ako ay may dalawang maliliit na aso sa loob ng aking tahanan. Bago magpandemic nagkikita lamang kami sa umaga at sa gabi. Maghapon ako sa trabaho. Dahil sa lockdown naging mas mahaba ang aming pagsasama, kami ay mas nakakapag bonding, nakakapaglaro at napapakain ko sila ng higit sa dalawang beses sa isang araw, na sa tingin ko naman ay ikinagiliw rin nila. Matatakaw ang mga ito at maliliksi. Kaya napakadali sa akin malaman kung may nararamdaman silang masama at kakaiba. Dahil sa kanila hindi ko rin halos naramdaman ang tagal ng pagkakakulong dahil sa lockdown. Bagamat hindi naman talaga ako malungkutin, ay napakahalaga para sa akin na alam kong may kasama akong humihinga sa loob ng bahay. Salamat na rin sa Tiktok at marami na akong natuklasang bagong paraan ng pag-aalaga, home remedies, life hacks, etc, na nakatulong upang ako ay maging mas epektibong fur-parent.
Sabi nga ng marami, maikli lang ang buhay ng ating mga alaga. Mabilis lang lilipas ang 14 o 15 taon at sila ay maaari ng pumanaw. Gaya ng iba hindi ko rin gustong isipin ang mga pangyayaring ito, dahil alam naman natin kahit gaano tayo kahanda, hindi pa rin talaga tayo prepared sa mga tagpong ganito.
Ang magagawa na lang natin bilang kapalit sa kanyang katapatan at pagmamahal ay maibigay natin ang magandang buhay at masasayang ala-ala habang kapiling pa natin sila. Pakainin sila ng masasarap, ipasyal at ilakad kung may oras, yakapin at itabi sa ating pagtulog kung maari.
Sabi nga sa isang nabasa ko, kung umabot man sa huling yugto ng kanilang buhay ang iyong alaga, wag mo itong iwang pumanaw mag-isa, tabihan mo sya hanggang sa huli dahil wala ng mas liligaya pa para sa kanya kung hindi ang masulyapan ka bago siya tumawid sa Rainbow Bridge. Sa kabilang banda, kung ikaw naman ay maunang pumanaw, alam mong binigay mo ang karapat dapat na pag-aalaga at pagmamahal sa kanya, hindi lamang bilang isang hayop, ngunit isang kaibigang matalik – ang ating tunay na BFF.