Bilang Pilipino, marami tayong magagandang katangiang tinataglay na kilala rin hanggang sa buong mundo. Halimbawa na lamang nito ay ang pagiging masiyahin at matiisin sa kabila ng mga problema. Ayon din sa isang pag-aaral itinuturing tayong pinakamasayang tao sa buong mundo. Hindi talaga matatawaran ang mga katangiang ito na ating taglay at naisasabuhay.
Sa ating bansa, bilang ito ay binubuo ng mga rehiyon at pangkat ng tao, may isang pangkat ng tao sa Mindanao na kilala sa kanilang kakaiba ngunit kapupulutan nang aral na katangiang taglay. Ito ay ang mga Maranao.
Ang mga Maranao ay kilala bilang “people of the lake” dahil sa kanilang paninirahan sa bisinidad ng Lawa ng Lanao. Sila rin ay kilala bilang masugid na tagasunod sa aral ng Islam. Noong Marawi Siege, isa rin sila sa mga naapektuhan ng digmaan dulot ng pagkubkob ng mga Daesh na Maute. Ito ang isa sa dahilan upang makilala ang kanilang kakaibang katangian o maaari na nating maituring na tradisyon, ang konsepto ng “Maratabat.”
Ang konsepto ng maratabat ay malapit sa kahulugan ng “amor propio” nating mga Pilipino na ang ibig sabihin ay pagpapahalaga sa dangal at reputasyon. Ito rin ay pagpapakita ng pagmamahal sa sarili sa pamamagitan ng pagpapakita rin ng pagmamalasakit sa kapakanan ng ibang tao o komunidad. Ang maratabat ay matagal nang nakaugat sa tradisyon at kaugalian ng ating mga kapatid na Maranao. Ang konsepto ring ito ay nabibigyan ng maling pakahulugan dahil ito ay malapit sa konsepto ng “rido” na kalaunan ay nauuwi sa walang katapusang paghihiganti upang mapanatili lamang ang dangal sa sarili at pamilya.
Noong kasagsagan ng Marawi Siege, ang maratabat ay mariing nanaig sa mga kapatid nating Maranao, ganon na rin ang paggamit ng dahas upang depensahan ang lungsod at tulungan ang mga naapektuhan ng digmaan, lalong-lalo na ang kanilang mga pamilya.
Karugtong nito, may isang salaysay noong digmaan sa Marawi na talaga namang nakamamangha at dapat na maisalin sa iba pang henerasyon upang kilalanin ang kabayanihan ng mga taong tumayo upang labanan ang mga masasamang-loob kagaya ng mga Daesh. Isa na rito si Marawi City Mayor Majul Usman Gandamra at ang kaniyang mga kasamang nagtanggol at nagbantay sa kapitolyo ng Marawi upang hindi ito makuha ng kalaban. Siya ay nagdeklara ng rido sa mga kalaban upang pormal na depensahan ang sentro ng pamahalaan at ang kaniyang mga kababayan at lumaban hanggang kamatayan. Kahit na ang kaniyang mga kamag-anak ay dumanas ng kalupitan sa kamay ng mga Daesh bilang ganti sa kaniyang ginawa, nanaig pa rin sa kaniya at sa ibang mga kasamahan ang katapangan, pagmamahal sa bayan, at ang maratabat na kanilang pinanghahawakan upang magpatuloy sa pakikipaglaban. Ito ay kahit na ang kapitolyo ay napalilibutan ng kalaban at ang karagdagang suporta at tao ay limang araw pa bago nakarating, nagawa nilang depensahan ang kapitolyo hanggang sa sila ay marating ng tulong.
Iilang kagamitan lamang ang kanilang dala at kakaunti lamang ang mga nagtatanggol, ngunit ang maratabat sa kanilang puso ang nanatili upang sila ay magpatuloy sa laban. Ang kanilang ginawa ay naging malaking tulong sa mga kasundaluhan upang ilang araw na mapigilan ang pag-usad ng Daesh sa pagkubkob at pagsira sa lungsod.
Tunay nga na ang bawat kultura at tradisyon ay may magandang dulot din kung ito ay susuriing mabuti at isasabuhay sa tamang paraan. Ang konsepto ng maratabat ay hindi lamang pagpapakita ng katapangan o pagpapanatili ng dignidad sa pamilya o sarili, ngunit ito rin ay pagpapakita ng pagmamahal sa kapuwa-tao at bansang Pilipinas. Ganon na rin ang ating mga kapatid na Maranao na nagpakita nito sa paglaban sa Daesh at pagsisikap na maibangon muli ang Marawi. Nawa’y ang ganitong klase ng tradisyon at paniniwala at ang mga nagbuwis ng buhay para sa Marawi ay hindi tuluyang mawala sa alaala nating mga Pilipino.