Sa mahigit na isang dekada, naiugnay ng mga Pilipino ang nasyonalismo sa EDSA dahil ito ang nagsilbing daan upang magkaisa ang sambayanan para puksain at bigyang katapusan ang isang rehimen.  Kung ito ay ating pagtutuunan ng pansin sa kasalukuyan, ang makabuluhang pangyayari sa EDSA noong 1986 ay hindi dahil sa isang tao lamang, na maituturing na isang bayani o “champion” kung tawagin sa kasalukuyan.  Ang EDSA ay simbolo ng pagkakaisa, na sumasalamin sa mas malalim at mas makahulugang pagsasadiwa ng nasyonalismo.

Sa makabagong panahon, ang diwa ng EDSA ay unti-unti na ngang humuhupa.  Ngunit ito ay hindi dahil walang pagmamahal sa bayan ang bagong henerasyon, ngunit sa kadahilanang ang mga saksi at tumindig para sa kanilang paniniwala noong dekada 80 ay nasa mga huling yugto na ng kanilang buhay (Baby Boomers) at ang mga kabataang noon ay mulat na o kapapanganak pa lamang ay kasalukuyang namang patuloy ang ngpupursige para sa kani-kanilang mga responsibilidad at patugon sa mga hamon ng buhay, mas kilala ngayon sa tawag na “adulting” (Gen X at Tradisyunal na Millennials).  

Ang mga tinaguriang Gen Z, o ang mga pinanganak mula 1996 hanggang 2010, at tinaguriang “digital natives,” ay di mapagkakailang bahagi ng mas malawak na kampanya tungo sa tunay na nasyonalismo.   

Ayon sa isang pag-aaral (College Experience Survey/CES) na ginawa ng isang unibersidad (FEU) noong 2018, karamihan (62% ng mga rumesponde sa sarbey) sa mga kabataang PIlipino ang naniniwala na pagsisikap (hard work) ang natatanging elemento para sa tagumpay ng isang lipunan.  Dulot na rin sa pagkakaroon ng madali at maraming daan upang matuklasan ang mga bagay gamit ang teknolohiya, social media at internet, ang kamulatan sa mga pangyayari sa mundo ay patuloy na bumubuo ng kanilang sariling pag-unawa sa mga isyu sa pulitika, ekonomiya, lipunan at iba pa.  Ang kamalayang ito ang nagpapasiklab ng kanilang higit na pagnanais na tumindig para sa tama, kung kinakailangan.  

Bukod sa nasyonalismo, isang mahalagang aspeto sa bagong henerasyon ang tinatawag na “social advocacy” o ang malalim na pagsuporta at pakikipaglaban para sa isang ideolohiya, kilusan o grupo.  

Bagamat malayo na nga ang 2022 sa 1986, bilang mga mamamayang Pilipino, namumutawi pa rin sa bawat isa sa atin ang pagpapahalaga sa kasarinlan at demokrasya.  At higit natin itong masasaksihan sa iba’t ibang paraan at plataporma, angkop sa bagong panahon at makabagong henerasyon ng mga Pilipino.

 

https://history.rutgers.edu/docman-docs/undergraduate/honors-papers-2008/100-philippine-nationalism-an-analysis-of-the-development-of-philippine-national-identity/file

https://publicpolicy.feu.org.ph/projects/education/college-experience-survey/

https://www.dlsu.edu.ph/wp-content/uploads/2021/04/Poster_SC7_SPL_Nationalism-and-Social-Advocacy-among-Seleceted-GenZ.pdf