Sa bawat taon, ipinagdiriwang ng mga Pilipino ang Buwan ng Wika bilang pagtugon sa kahalagahan ng ating sariling wika at kultura. Ito ay isang pagkakataon upang bigyang-pugay ang Filipino bilang opisyal na wika ng Pilipinas at upang muling pag-isipan ang ating pambansang identidad. Ngunit, sa taong ito, mas lalo itong naging mahalaga dahil sa panawagan ni Pangulong Bongbong Marcos kaugnay sa pagbabalik-tanaw sa paggamit ng Filipino sa mga opisyal na transaksyon ng gobyerno.
Ang Buwan ng Wika ay ipinagdiriwang tuwing Agosto, na pinapangunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Layunin nito na palaganapin at pagyamanin ang paggamit ng Filipino at iba pang katutubong wika sa bansa. Sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad tulad ng pagkakaroon ng lektur, seminar, patimpalak, at mga paligsahan sa pagsulat at pagbigkas, pinapaalala natin sa isa’t isa ang halaga ng ating wika at kultura.
Ang obserbasyon sa “Buwan ng Wikang Pambansa” ngayong taon ay may temang “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.”
Ang Buwan ng Wika ay patuloy na nagbibigay-diin sa ating pagiging Pilipino at pagkakakilanlan. Ito ay panahon upang pukawin ang ating kamalayan sa kahalagahan ng wika sa paghubog ng ating pagkatao bilang mamamayang Pilipino. Samakatuwid, mahalagang itaguyod at ipagmalaki ang Filipino at iba pang katutubong wika upang mapanatili natin ang yaman ng ating kultura at identidad bilang isang bansa.