Ang berde ay naiuugnay natin sa dalawang bagay – una sa negatibong pananaw naaayon sa inggit (green with envy) o di kaya ay adult jokes and issues, pangalawa bilang isang kulay na kumakatawan sa pag-usbong at pag-unlad. Ayon sa sikolohiya, ang berde ay pumupukaw sa damdaming mapagpayabong, mapayapa, bago at pagbabago.
Hindi ko paboritong kulay ang berde, ngunit aminado ako na kung papipiliin kung saan ko mas gustong pumunta sa Boracay o Baguio, pipiliin ko ang huli. Mas gusto ng aking mga mata ang makakita ng mga pine trees at iba’t iba pang mga halaman at puno na makikita na sa paglalakbay pa lamang paakyat sa malamig na siyudad. Siguro nga ay tama ang mga eksperto, ang berde ay maihahalintulad natin sa inang kalikasan. Diba’t kahit sa mga marketing ng mga produkto at mga adhikaing environmental, pag kalikasan na ang pinag-usapan laging may halaman at may kulay berde sa kampanya.
Hindi na rin ako magtataka kung bakit ang daming naging plantito at plantita mula ng taong 2020. Ako man ay di nakatakas dito. Sa liit ng aking tinitirhan sa siyudad, hindi bababa sa 10 uri ng halaman ang aking pinapayabong at binubuhay sa loob ng tahanan. At ito ay isang bagay na aking maituturing na accomplishment. Sabi sa isang article na pinublish sa Bangkok Post, ang Pilipinas ay tinamaan ng gardening craze na tinawag na Plantdemic. Nakakatuwa ang paglalaro sa mga salitang plant at pandemic. Ngunit ito ay tunay na nangyari. Ako man ay nagtaka, bakit ako nahilig sa halaman. Linggo linggo kami noon nagpupunta sa Farmer’s Garden upang tumingin ng bagong aalagaang halaman. Ang social media ay nalunod sa mga larawan ng monstera at fiddle leaf trees at di rin ako nagpahuli. Dahil sa mataas na demand at kaunting supply, patuloy tumaas ang presyo ng mga halaman. Ang nakakatuwa pa ay di na tayo nalimitahan sa pagpunta lamang sa mga tindahan ng halaman, ngunit pati live selling ng mga ito ay atin ring pinatulan. O ako lang yata? Oo, budol talaga ang perpektong salita. Sa gitna ng pandemic ako ay pumupunta sa bus station sa Cubao ng Victory Liner upang kunin ang mga nabili ko sa live selling mula Baguio at Pangasinan. At kung minsan ay sa Partas para sa mga galing Ilocos na halaman. At naging masaya ang bawat pagkakataong ito. Para akong kumukuha ng padala galing Amerika.
Bagamat di lahat ay pinalad mabuhay. Masasabi ko namang minahal ko ang mga ito at inalagaan ng abot sa aking makakaya. Kung tutuusin, hindi lamang boredom o pagkainip ang naging dahilan ng pag-aalaga ng halaman ng mga Pilipino. Ito ay paraan rin upang maging malapit tayo sa kalikasan, na sa ilan ding taon ay naging mailap dahil sa coronavirus. Ang pagiging plantito at plantita natin ay patunay lang ng ating malalim na kaugnayan sa kalikasan. Nais nating maging bahagi ng paglinang at pagpapalago. Bilang mga tao, natural sa atin ang mga layuning ito. Biophilia o ang likas nating pangangailangan maging kaanib ng iba pang may buhay gaya ng hayop at halaman, ang marahil dahilan ng ating pagnanais mapalapit sa kalikasan. Bilang bahagi ng ecosystem hindi rin natin matatawaran ang ibinibigay sa ating sustenance ng mga halaman.
Lumuwag na ang mga protokol. At muli na naman tayong nabigyan ng pagkakataong maglakbay at makita ang napakagandang tanawin sa ating bansa. Pero gaya ng iba na nasimulan na ang napakagandang paghahalaman sa siyudad (urban gardening) at kahit sa loob ng mga tahanan, ornamental man yan o nagbubunga ng pagkain, magiging mahirap na rin sa akin ang mawala sila sa aking paningin. Dahil sa berde nilang kulay, nabigyang buhay ang dating simpleng tahanan, at napatunayan kong kahit wala akong green thumb ay kaya kong bumuhay ng ilan pang mga buhay.